Nasabat ng Bureau of Customs o BOC ang dalawang hindi na-claim at abandonadong parcel na naglalaman ng tinatayang P222 milyong pisong halaga ng ilegal na droga sa isang bodega sa Pasay City.
Ayon kay Commissioner Ariel Nepomuceno, idineklara ang mga padala bilang CCTV kits ngunit isinailalim sa beripikasyon matapos makatanggap ng impormasyon mula sa Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA. Sa pagsusuri ng laboratoryo noong Pebrero 11, nakumpirmang shabu ang laman ng mga ito.
Ang unang parcel na mula sa Malawi, Africa ay may humigit-kumulang 2,370 gramo ng shabu, habang ang ikalawa na galing Johannesburg, South Africa ay may mahigit 1,012 gramo. Agad itong itinurn-over sa PDEA para sa kaukulang disposisyon.
Ayon sa BOC, paglabag ito sa Comprehensive Dangerous Drugs Act at Customs Modernization and Tariff Act.
Dahil dito, umabot na sa mahigit apatnaraang pitumpu’t siyam na milyong piso ang kabuuang halaga ng iligal na drogang nasabat ng BOC ngayong taon.
Samantala, nagkaroon din ng minor reshuffle sa Intelligence Group ng ahensya kasunod ng alegasyon ng korapsyon laban sa isang opisyal. Pansamantalang inilipat si Intelligence Officer III Paul Oliver Pacunayen habang iniimbestigahan ang umano’y pagkakasangkot sa smuggling sa Port of Manila. Itinalaga namang pansamantalang caretaker si Allen Dela Cruz sa naturang tanggapan. Nabanggit din sa isang liham na ipinadala kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pangalan ni CIIS Director Thomas Narcise kaugnay ng umano’y pagbabalik ng smuggling sa pantalan.