Patay ang isang 26 anyos na construction worker matapos pagsasaksakin ng kanyang katrabaho sa loob ng kanilang barracks sa Village East Phase 2, Botong Francisco Avenue, Barangay San Isidro, Angono, Rizal.
Batay sa ulat ng Angono Municipal Police Station, naganap ang insidente bandang alas-4:30 ng hapon nitong Pebrero 22 ngunit bandang alas-7:10 na ng gabi nang ipagbigay-alam sa pulisya matapos dalhin sa ospital ang biktima.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, nag-iinuman umano ang biktima at ang suspek na pawang magka-trabaho at magka-barracks. Nauwi sa mainitang pagtatalo ang inuman hanggang sa bigla umanong bumunot ng patalim ang suspek at inundayan ng ilang saksak ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Agad na isinugod sa Hospital ang biktima ngunit idineklara itong dead on arrival.
Kinilala ang nasawi na si Jerome, tubong Northern Samar. Samantala, ang suspek na kinilalang Marcial, 33 anyos at residente rin ng nasabing lugar, ay tumakas matapos ang insidente at kasalukuyang pinaghahanap ng mga awtoridad.
Patuloy naman ang follow-up at hot pursuit operation ng pulisya para sa agarang pag-aresto sa salarin at inaalam na rin ang motibo. | BChannel news