Natagpuang patay ang isang bagong-silang na sanggol sa isang dumpsite sa Barangay Sta. Cruz, Bay, Laguna kahapon, February 23, 2026.
Ayon sa ulat ng Bay Municipal Police Station, bandang alas-11 ng umaga nang madiskubre ng isang babaeng nangangalakal ang bangkay ng sanggol matapos niyang buksan ang isang plastic bag habang naghahanap ng mapapakinabangan sa tambakan ng basura. Agad umano siyang nagulat nang makita ang sanggol na hinihinalang wala nang buhay.
Kaagad itong ini-report ng saksi sa pamunuan ng Barangay Sta. Cruz na may sakop sa naturang lugar. Bandang alas-12:30 ng tanghali nang matanggap ng Bay MPS ang ulat sa pamamagitan ng Tactical Operation Center at agad na rumesponde ang mga pulis upang beripikahin ang insidente.
Humingi na rin ng tulong ang mga awtoridad sa Regional Forensic Unit 4A Scene of the Crime Operatives o SOCO upang magsagawa ng masusing imbestigasyon at teknikal na pagsusuri sa bangkay ng sanggol.
Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng sanggol at kung sino ang posibleng responsable sa insidente. | BChannel news