Patay na nang matagpuan ang isang hindi pa nakikilalang lalaki alas 8 ng umaga kahapon, Pebrero 23, sa gilid ng Lipa–Padre Garcia Bypass Road sa Purok 7, Barangay San Celestino, Lungsod ng Lipa, Batangas.
Ayon sa imbestigasyon ng Lipa City Police Station, isang grupo ng mga babaeng nagja-jogging ang nakapansin sa bangkay ng lalaki na nakahandusay sa damuhan sa tabi ng kalsada. May mga bakas umano ng dugo sa kanyang mga binti, kamay at sa kanang bahagi ng mukha.
Agad na ipinaalam ng mga nakakita ang insidente sa isang construction worker na nagtatrabaho malapit sa lugar. Nagtungo ito sa bahay ng isang barangay kagawad ng San Celestino upang i-report ang pangyayari.
Rumesponde ang mga awtoridad at nagsagawa ng paunang imbestigasyon sa pinangyarihan ng insidente. Humingi na rin ng tulong ang pulisya sa SOCO para sa mas masusing pagsusuri ng ebidensya.
Patuloy ngayon ang pagkalap ng mga kuha sa CCTV sa mga kalapit na establisyimento upang matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima at ng posibleng sangkot sa insidente.
Sa ngayon, nananatiling hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan ng biktima maging ang motibo sa krimen. || BChannel news