Isinagawa ng Bureau of Internal Revenue (BIR) Revenue District Office No. 59 – East Batangas sa pangunguna ng RR9A CaBaMiRo regional office ang national simultaneous Counsel, Help, Assist Taxpayer (CHAT) Day sa lalawigan ng Batangas nitong Lunes, Pebrero 23.
Partikular sa mga tututukan ng ahensya ang mga establisyemento sa Lipa City, Tanauan City, Sto. Tomas City, at 16 pang kalapit na munisipalidad.
Sa naturang tax compliance and verification drive, personal na nagtungo ang mga kawani ng RDO 59-East Batangas sa mga establisyemento sa lalawigan at nakipag dayalogo sa mga negosyante at taxpayers upang magbigay ng paalala, counseling, at agarang tulong sa mga negosyante hinggil sa tamang pagtalima sa tax regulations.
Ayon kay RDO Charmaine De la Torre, pangunahing layunin ng nationwide tax compliance verification drive nai-educate at magbigay ng tulong at gabay sa mga taxpayer sa pagtukoy at pagwawasto ng anumang pagkukulang sa registration, invoicing, at bookkeeping requirements, sa halip na agad magpapataw ng penalties.
“Magiging friendly po tayo kasi lagi pong takot ang mga taxpayers pag sinabing BIR ang bibisita. Ngayon po ang gagawin namin is to counsel and to guide taxpayers kung anuman ang pagkukulang nila. Walang penalties na i-impose ang BIR.” saad ni De la Torre.
Dagdag pa ng opisyal, tutulungan din umano nila ang mga taxpayers kung sakaling makitang hindi rehistrado ang negosyo at establisyemento para mai-rehistro at maging lehitimo ang operasyon ng kanilang negosyo.
Bibigyan ng humigit-kumulang limang (5) araw ang mga taxpayer upang magtungo sa tanggapan ng BIR kung saan tutulungan silang mag-ayos ng mga kulang na dokumento sa pagpaparehistro ng negosyo. Gayunpaman, kung sakaling matuklasang nabigo pa ring mag-comply sa follow-up operations, saka pa lamang papatawan ng kaukulang multa ang taxpayer alinsunod sa umiiral na batas.
Positibong pagtugon ng mga taxpayer
Positibong tumugon ang mga negosyante at taxpayer sa isinagawang simultaneous CHAT operations sa ilalim ng RR9A CaBaMiRo, na binubuo ng mga lalawigan ng Cavite, Batangas, Mindoro, Romblon.
Ayon kay RR9A Director Atty. Eric Diesto, nasa mahigit 1,000 taxpayers na ang nabisita ng mga kawani ng ahensya mula noong Lunes ng hapon.
Ang “Counsel, Help, Assist Taxpayer” (CHAT) Day ay sabay-sabay na inilunsad sa buong bansa noong Pebrero 23 sa pangunguna ni BIR Commissioner Charlito Martin R. Mendoza, kung saan nagbibigay ito ng direct, in-person, at digital tax assistance sa mga taxpayers at negosyante.
Ayon sa BIR, layunin nitong paigtingin ang kusang pagtupad ng mga taxpayers sa mga batas at regulations ng BIR sa pamamagitan ng pagbibigay ng tamang kaalaman at gabay hinggil sa tamang proseso ng pagpaparehistro, pag-iisyu ng resibo, at pagrerekord ng bawat sales transaction bilang pagsuporta sa 24/7 AI chatbot ng BIR na REVIE na maaaring ma-access sa kanilang website.
Samantala, naniniwala naman si De la Torre na malaki ang maitutulong ng TCVD para madagdagan ang revenue ng pamahalaan. Aniya pa, ang isang well-informed taxpayer ay mas nagiging compliant, na sa kalaunan ay magreresulta sa mas mataas na koleksyon ng buwis para sa pamahalaan.
Ayon sa ulat ng RDO 59-East Batangas, tumaas ng P1 bilyon ang kanilang koleksyon noong nakaraang taon kumpara sa 2024, na iniuugnay sa pinaigting na kampanya sa tax compliance sa kanilang nasasakupan.