Nasawi ang dalawang senior citizen matapos masunog ang isang residential area sa Anda Street, Barangay 655 sa Intramuros, Maynila, Miyerkules ng hapon.
Ayon sa mga awtoridad, unang naiulat ang sunog pasado alas-5 ng hapon at mabilis itong itinaas sa ika-apat na alarma. Mahigit anim na oras na nakipagbuno ang mga bumbero bago tuluyang ideklarang fire out pasado alas-11:30 ng gabi.
Kinumpirma ng isang opisyal ng barangay na isinugod pa sa ospital ang dalawang biktima ngunit idineklarang dead on arrival.
Isa umano sa kanila ang inatake dahil sa matinding nerbiyos. Patuloy naman ang paghahanap sa isa pang indibidwal sa lugar na nananatiling mainit dahil sa natitirang init mula sa sunog.
Tinatayang nasa 300 bahay ang nadamay at aabot sa 600 pamilya ang naapektuhan.
Lumikas ang mga residente habang mabilis na kumalat ang apoy sa magkakatabing kabahayan.
Sa inisyal na impormasyon, pinaghihinalaang sinadya ang pagsunog matapos umanong buhusan ng gasolina ng isang lalaki ang sariling bahay dahil sa selos.
Ayon sa barangay chairman, kakalaya lamang nito sa piyansa isang araw bago ang insidente. Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek at iniimbestigahan sa kasong arson at reckless endangerment. Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad gayundin ang halaga ng pinsala