Pinamamadali ni House Speaker Bojie Dy III ang panukalang magtatatag ng iisang national minimum wage sa bansa at mag-aalis sa Regional Tripartite Wages and Productivity Boards.
Sa ilalim ng panukala, ililipat sa National Wages and Productivity Commission ang kapangyarihang magtakda ng sahod upang magkaroon ng iisang wage floor sa buong Pilipinas.
Kapag naisabatas, ang magiging batayan ng unang national minimum wage ay ang kasalukuyang rate sa Metro Manila na 695 pesos kada araw para sa non-agriculture at 658 pesos naman para sa agriculture, service, retail at maliliit na manufacturing establishments.
Ayon sa Kamanggagawa Party-list, personal na nagpahayag ng commitment ang Speaker sa mga mambabatas at lider ng mga unyon upang maipasa ang panukala bago sumapit ang Labor Day. Target ng Kamara na mailatag ito sa plenaryo sa susunod na linggo.
Sa ilalim ng panukalang National Minimum Wage Act, bubuwagin ang Regional Tripartite Wages and Productivity Boards at ililipat sa National Wages and Productivity Commission ang kapangyarihang magtakda ng sahod. Layunin nitong magkaroon ng malinaw at iisang wage floor sa buong bansa at paliitin ang agwat ng sahod sa iba’t ibang rehiyon.
May nakasaad ding tatlong taong transisyon upang unti-unting maihanay ang sahod ng mga rehiyon sa pambansang rate. Tatlumpung porsyento ng agwat ang tutugunan sa unang taon, 35 porsyento sa ikalawang taon, at ang natitirang balanse sa ikatlong taon.| BChannel news