Iniulat ng Philippine National Police na bumaba ng 3.94 porsiyento ang naitalang krimen sa buong bansa nitong Enero 2026 kumpara noong Disyembre 2025.
Ayon sa PNP, nasa 2,581 na insidente ang naitala noong Enero mula sa 2,687 na kaso noong Disyembre. Kabilang sa mga krimeng bumaba ang kaso ng pagpatay, physical injury, panggagahasa at motorcycle carnapping.
Pinakamalaki ang ibinaba sa Police Regional Office 1 o Ilocos Region na nagtala ng mahigit 31 porsiyentong pagbaba sa focus crimes. Sa kabuuan, labing-apat na rehiyon sa bansa ang nakapagtala ng pagbaba ng crime volume.
Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez, patunay umano ito na epektibo ang pinaigting na operasyon ng pulisya at pakikipagtulungan ng komunidad sa paglaban sa krimen.
Samantala, tumaas din ng 32 porsiyento ang bilang ng mga naarestong suspek sa iba’t ibang operasyon ng pulisya, kung saan mahigit siyam na libong katao ang naaresto sa buong bansa nitong Enero.
Pinakamataas ang naitalang pag-aresto sa National Capital Region, na sinundan ng CALABARZON at Central Luzon.