Umani ng papuri mula sa netizens ang dalawang pulis sa Batangas matapos tulungan ang isang motorista na nasiraan ng sasakyan sa gilid ng kalsada.
Batay sa ulat ng Batangas Police Provincial Office, habang nagsasagawa ng regular na pagpapatrolya ang mga tauhan ng Tuy Municipal Police Station na sina Police Staff Sergeant Napoleon Ancheta at Pat Alexander Valencia, na kilala rin bilang “Galawan Lespu,” napansin nila ang isang driver na hindi na umuusad ang sasakyan at abalang inaayos ito sa gilid ng daan.
Agad na rumesponde ang mga pulis at tumulong upang mapaandar muli ang sasakyan. Tiniyak din nila na maayos na ang kondisyon nito bago pinayagang umalis ang motorista upang makauwi nang ligtas.
“Salute po sa Inyo,” saad sa comment section.
Bagama’t simpleng pagtulong lamang, malaking ginhawa at seguridad ang naidulot nito sa motorista.
Ayon sa pahayag, hindi lamang sa pagpapanatili ng kapayapaan maaasahan ang Batangueñong pulis, kundi maging sa pag-alalay sa mga mamamayan sa oras ng pangangailangan, patunay na sila ay tunay na lingkod-bayan.