Patay ang isang 34-anyos na babae matapos umano’y malunod sa isang resort sa Brgy. Pansol, Calamba City, Laguna, madaling araw ng March 15.
Kinilala ang biktima na si Claire, residente ng Barangay Pinagsama sa Taguig City.
Batay sa ulat ng Calamba City Component Police Station, nadiskubre ang insidente bandang alas-12:05 ng madaling araw sa loob ng isang Resort.
Sa paunang imbestigasyon, lumalabas na nagtungo sa resort ang biktima kasama ang ilang kaibigan para sa isang outing. Habang naroon, nagkaroon umano sila ng maliit na salu-salo kung saan nakainom ng alak bago nagpasya na mag-swimming sa pool ng resort.
Habang naliligo, nagtungo umano ang biktima sa mas malalim na bahagi ng swimming pool. Makalipas ang ilang minuto, hindi agad napansin ng kanyang mga kasama na siya ay nalulunod na.
Ilang sandali pa, isang saksi ang napadpad sa gilid ng pool sa may malalim na bahagi kung saan niya naramdaman ang katawan ng biktima na nakahandusay sa ilalim ng tubig.
Agad itong humingi ng tulong sa kanyang mga kasama at mabilis nilang iniahon ang biktima mula sa pool. Sinubukan pa umano nilang i-revive ang biktima sa pamamagitan ng CPR bago ito isinugod sa Hospital.
Gayunman, sa kabila ng agarang pagresponde, idineklara nang dead on arrival ang biktima bandang alas-12:52 ng madaling araw.
Kaagad namang nagtungo sa lugar ang imbestigador ng pulisya upang magsagawa ng imbestigasyon at panayam sa mga saksi, habang agad ding ipinaalam sa pamilya ng biktima ang nangyaring insidente.
Patuloy namang iniimbestigahan ng pulisya ang naturang insidente. | BChannel News