Natagpuan ang isang patay na sanggol na lalaki sa ilog na sakop ng boundary ng Barangay Minahan Sur at Minahan Norte sa General Nakar, Quezon, alas-8:20 ng umaga kahapon, March 18.
Ayon sa Police Regional Office CALABARZON, dalawang bata ang nakadiskubre sa sanggol habang tumatawid sa ilog para maghanap ng gagamba at salagubang. Pagdating sa ilalim ng tulay, nakita nila ang walang buhay na katawan ng sanggol na nakalubog sa tubig, kaya agad silang humingi ng tulong.
Sa paunang pagsusuri ng isang midwife, tinatayang nasa 24 hanggang 72 oras pa lamang ang sanggol batay sa kondisyon nito. Agad itong dinala sa Municipal Health Center kung saan idineklara itong dead on arrival.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad para matukoy ang pagkakakilanlan ng ina ng sanggol, kabilang ang pakikipag-ugnayan sa mga barangay, at pagsusuri ng CCTV.
Sa ngayon, nananatiling hindi pa nakikilala ang suspek sa insidente. | BChannel News