Patay ang isang hindi pa nakikilalang babae matapos mabangga ng isang van habang tumatawid sa National Highway sa Barangay Patimbao, Sta. Cruz, Laguna, kagabi, March 19.
Base sa ulat ng Sta. Cruz Municipal Police Station, nangyari ang insidente bandang 7:15 ng gabi. Ayon sa paunang imbestigasyon, tinatawid umano ng biktima ang kalsada nang mabangga ito ng isang commuter van na papuntang Bubukal mula Barangay Pagsawitan.
Dinala ang biktima sa Laguna Medical Center ngunit idineklara itong dead on arrival.
Inilarawan ang biktima bilang babaeng nasa edad 35 hanggang 45, may taas na humigit-kumulang 5’4”, at nakasuot ng pulang T-shirt at itim na pantalon.
Samantala, inaresto na ng mga awtoridad ang driver ng van na isang 32-anyos na residente ng Cabuyao City, Laguna.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima habang inihahanda na ang posibleng pagsasampa ng kaso laban sa driver. | BChannel news