Nasagip ng Philippine Coast Guard ang dalawang mangingisda matapos halos lumubog ang kanilang bangka sa karagatan ng Sablayan, Occidental Mindoro, madaling araw ng March 20.
Ayon sa ulat, habang nangingisda, aksidenteng nabangga ng hinihinalang malaking tuna ang kanilang bangka na nagdulot ng butas at pagpasok ng tubig dahilan para ito ay bahagyang lumubog.
Agad rumesponde ang Coast Guard matapos makatanggap ng report mula sa Bantay Dagat at ligtas na na-rescue ang dalawang sakay na kinilalang sina Jomar at Gorley.
Dahil sa lakas ng alon, hindi agad nahila ang bangka kaya humingi ng tulong ang PCG sa mga kalapit na mangingisda. Sa tulong ng apat na fishing vessels, matagumpay itong naihatak pabalik sa pantalan.
Walang iniulat na nasugatan sa insidente at parehong nasa maayos na kondisyon ang mga biktima.
Patuloy namang pinaalalahanan ng PCG ang mga mangingisda na tiyaking maayos ang kanilang bangka at kumpleto ang safety equipment upang maiwasan ang ganitong insidente.