Naglabas ng Show Cause Order ang Land Transportation Office o LTO laban sa rehistradong may-ari at rider ng isang Suzuki motorcycle matapos ang viral na insidente kung saan sinasabing sinadyang banggain o hampasin ng rider ang isang siklista sa Bonifacio Avenue, Cainta, Rizal.
Batay sa ulat, nangyari ang insidente umaga ng March 22 habang nasa bike lane ang biktima. Ayon sa kanya, paulit-ulit siyang binusinahan ng rider kahit nasa tamang linya.
Nang magbigay-daan siya at tanungin ang rider, tila hindi ito umalis at kalaunan ay sinundan pa siya bago umano sinadyang sipain o banggain, dahilan para tumilapon siya sa kalsada at mabangga pa ng isang tricycle.
Nagtamo ng mga sugat sa ulo, katawan, at hirap sa paggalaw ang biktima, ngunit nakaligtas dahil sa suot na helmet. Agad namang tumakas ang rider matapos ang insidente at hindi na tumulong.
Sa inilabas na Show Cause Order, inaatasan ang rider at registered owner na humarap sa pagdinig ng LTO Intelligence and Investigation Division at magsumite ng sworn explanation kung bakit hindi sila dapat managot sa kasong reckless driving at paglabag sa tungkulin ng driver sa oras ng aksidente.
Pansamantala ring sinuspinde ng LTO sa loob ng 90 araw ang lisensya ng rider at inilagay sa alarm status ang motorsiklo upang hindi ito makapag-transact habang iniimbestigahan ang kaso.
Sa ngayon, patuloy pang nagpapagaling ang biktima at umaasa sa agarang hustisya sa nangyaring insidente.