Nilinaw ng Department of Energy na sapat pa sa humigit-kumulang 45 araw ang suplay ng langis sa Pilipinas, sa kabila ng patuloy na tensyon sa Middle East.
Ayon kay DOE Secretary Sharon Garin, bagama’t apektado ang global oil market ng sigalot sa ibang bansa, nananatiling stable at manageable ang suplay ng langis sa Pilipinas.
Ipinakita rin ng DOE na ang diesel, na isa sa pinaka ginagamit, ay may halos 46 araw na suplay, habang ang gasoline ay higit 53 araw. May sapat din na reserba para sa jet fuel at iba pang petroleum products.
Paliwanag ng kalihim, patuloy ang pagdating ng oil shipments mula sa mga supplier countries kaya napapanatili ang sapat na suplay sa bansa.
Dagdag pa niya, nagsusumikap din ang gobyerno na magdagdag ng oil buffer sa pamamagitan ng pagbili ng karagdagang suplay, kahit mahal ang gastos, upang masigurong may reserba sa oras ng pangangailangan.
Samantala, tiniyak ng Malacañang na wala pang oil crisis na nararanasan sa bansa. Ayon sa Presidential Communications Office, mas nakakaranas lamang ang Pilipinas ng price disruption dahil sa epekto ng global conflict, at hindi kakulangan sa suplay.
Sa ngayon, patuloy ang pagbabantay ng pamahalaan upang mapanatili ang sapat at tuloy-tuloy na suplay ng langis sa bansa.