Isang 32-anyos na babae ang sugatan matapos barilin sa kasagsagan ng mainit na pagtatalo sa Purok 4, Brgy. Pinagkawitan, Lipa City, Batangas, bandang 10:20 ng gabi nitong July 27.
Batay sa imbestigasyon ng Lipa City City Police Station o Lipa CCPS, nauwi sa pisikal na komprontasyon ang pagtatalo ng biktimang si Rhenz at ng suspek na si Leo, 41-anyos.
Ayon sa pulisya, habang nag-aaway ang dalawa, umano’y hinampas ng biktima ng martilyo ang suspek. Sa gitna ng insidente, nakuha umano ng suspek ang isang caliber .45 pistol na pag-aari ng asawa ng biktima na nakatago sa likod ng TV table. Ilang beses umanong nagpaputok ang suspek at tinamaan ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Agad na isinugod ang biktima sa Hospital sa Brgy. Antipolo del Sur, Lipa City para sa agarang gamutan.
Samantala, naaresto ang suspek ng mga pulis na nagsasagawa ng coordination at patrol kasama ang barangay. Narekober din mula sa kanya ang caliber .45 pistol, kasama ang dalawang magazine at mga bala.
Inihahanda na ang karampatang kaso laban sa suspek sa Lipa City Prosecutor’s Office.
Patuloy namang iniimbestigahan ng pulisya ang insidente upang matukoy ang pinagmulan ng krimen. | BChannel News