Nagsimula nang maglaan ang Department of Education o DepEd ng paunang P19.14 milyong pondo para sa paglilinis ng mga paaralan at pagkukumpuni ng mga silid-aralan na napinsala ng Habagat at ng mga bagyong Luis at Maymay.
Batay sa tala ng ahensya, umabot sa 8.4 milyong learners at mahigit 365,000 kawani ng DepEd sa walong rehiyon ang naapektuhan ng mga kanselasyon ng klase at iba pang aberya sa pag-aaral. Mahigit 12,000 pampublikong paaralan ang nakaranas ng disruption sa operasyon.
Ayon sa DepEd, gagamitin ang pondo para sa cleanup operations sa 1,244 paaralan at pagkukumpuni ng 4,259 classrooms na nagtamo ng minor damage.
Samantala, 230 paaralan ang kasalukuyang nagsisilbing evacuation centers at ginagamit ng libu-libong pamilyang lumikas dahil sa masamang panahon.
Sa pinakahuling assessment, nasa 1,423 classrooms ang nagtamo ng malaking pinsala habang 1,395 classrooms ang tuluyang nasira. Naitala rin ang pagkawala o pagkasira ng libu-libong learning materials, upuan, at IT equipment.
Patuloy naman ang koordinasyon ng DepEd, mga lokal na pamahalaan, at disaster councils upang maibalik ang normal na operasyon ng mga paaralan at maipagpatuloy ang pag-aaral sa mga apektadong lugar.