Opens in a new tab
Skip to content
Business

P9.7-B investments, inaasahang pumasok sa 4 bagong economic zones ayon kay ES Recto

Halos P9.7 billion na bagong investments at libu-libong trabaho ang inaasahang mabuo mula sa apat na bagong economic zones sa Cavite, Batangas at Negros Oriental.

Sa ilalim ng administrasyong Marcos, umabot na sa 46 ang economic zones na nalikha o pinalawak.

Ayon kay Executive Secretary Ralph Recto, tinatayang ₱141.2 billion ang kabuuang investments na maaaring mabuo mula rito, kasama ang halos 189,000 trabaho.

Sa Cavite, pinalawak ang Suntrust Ecotown Tanza Special Economic Zone, na inaasahang makakahatak ng ₱851 million investment at nasa 2,200 trabaho.

Sa Malvar, Batangas naman, pinalawak ang Light Industry and Science Park IV, na may ₱8.5 billion na committed investments at 200 bagong trabaho.

Samantala, itinatag sa Dumaguete ang Robinsons Dumaguete IT Park, na may prospective investment na ₱288 million at 1,500 trabaho.

Sa Lipa City, Batangas, itinatag naman ang Biz Hub at LIMA Estate bilang special IT economic zone. May prospective locator itong ₱52.5 million investment at 110 trabaho.

Sa kabuuang 46 economic zones, 29 ang nasa Luzon, 12 sa Visayas at lima sa Mindanao. Tatlo lamang ang nasa Metro Manila.

Ayon sa Palasyo, layunin ng pagpapalawak ng economic zones na mailapit ang investments at trabaho sa mga probinsya para mas maraming oportunidad ang makuha ng mga lokal na manggagawa.