Pansamantalang hindi na papayagan ng Montenegro Shipping Lines ang pagsakay o pagbiyahe ng electric vehicles o EVs at hybrid electric vehicles o HEVs sa kanilang mga barko.
Ayon sa memorandum na inilabas noong September 16, agad na ipatutupad ang pagbabawal at mananatili ito hanggang sa may bagong utos ang management. Sakop nito ang mga sasakyang isinasakay bilang passenger vehicle o cargo.
Ang hakbang ay precautionary measure matapos ang insidente ng sunog sa M/V June Aster na biyaheng Coron, Palawan. Sa initial investigation, lumabas na posibleng may electric vehicle na sangkot sa pagsisimula ng insidente.
Layunin ng Montenegro Lines na mabawasan ang posibilidad ng fire, explosion at tinatawag na thermal runaway, isang delikadong kondisyon na maaaring mangyari sa batteries.
Samantala, sinabi ng Department of Energy o DOE na naiintindihan nito ang safety concerns ng shipping company habang wala pang mas malinaw at uniform na standards para sa pagbiyahe ng EVs at hybrids sa dagat.
Nakikipagtulungan ang DOE sa Bureau of Fire Protection o BFP para sa 2026 implementing rules and regulations ng Fire Code, lalo na sa risks na may kinalaman sa EVs at lithium-ion batteries. Kasama rin sa koordinasyon ang MARINA at Philippine Coast Guard para sa mga bagong safety protocol.
Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, “Safety must come first.” Layunin umano ng mga ahensya na magkaroon ng science-based at pare-parehong rules para maprotektahan ang passengers at vessels, habang patuloy ding lumalaki ang paggamit ng electric vehicles sa bansa.