Muling sinuspinde ng gobyerno ang excise tax sa LPG at kerosene, kasunod ng pagtaas ng presyo ng Dubai crude oil.
Sa ilalim ng Executive Order No. 125 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong September 25, full suspension ang excise tax sa LPG, maliban kung gagamitin itong raw material sa petrochemical production o bilang motive power.
Suspendido rin ang excise tax sa kerosene, maliban sa paggamit nito bilang aviation fuel.
Ayon sa DOE, umabot sa US$99.41 per barrel ang average Dubai crude price batay sa MOPS sa nakalipas na 30 araw kung saan mas mataas sa US$80 threshold na itinakda ng Republic Act No. 12316.
Susuriin ng DBCC ang suspension sa loob ng 15 araw at kada buwan.
Awtomatikong babalik ang tax rates kung bumaba sa US$80 ang average crude price nang isang linggo, o pagkalipas ng tatlong buwan.