Umaaray ang ilang local hog raisers sa patuloy na pagbaba ng presyo ng kanilang mga alagang baboy, habang nananatiling mataas ang gastos sa feeds at iba pang kailangan sa pag-aalaga.
Sa mga hinaing na ibinahagi ng ilang raisers, sinabi nilang hirap silang mabawi ang puhunan dahil mababa ang kanilang nakukuhang liveweight price, habang patuloy ang gastos sa feeds, gamot, kuryente, tubig at labor.
May isang fattener raiser na nagsabing umaabot na sa punto na ang kinikita sa pagbebenta ng baboy ay napupunta lamang sa pagbabayad ng loans, habang ang ilan umano ay napipilitang tumigil muna sa pag-aalaga.
May isa ring raiser na nagsabing nasa P120 kada kilo ang nakukuha niyang liveweight price at umaasang magkaroon ng tulong para sa local hog industry.
Samantala, kinumpirma ng Department of Agriculture na may mga lugar na umaabot sa P120 hanggang P160 kada kilo ang farmgate price, habang isinusulong ng hog industry ang P210 kada kilo na floor price.
Sa datos naman ng DA, bumaba ang average farmgate price mula P215 kada kilo noong June 2025 hanggang P150 kada kilo noong August 2026.
Dahil dito, isinusulong ngayon ng DA ang phased increase sa tariff ng imported pork, mula 15 percent hanggang 25 percent para sa in-quota imports, at 25 percent hanggang 35 percent para sa out-quota imports sa 2027. Target naman ang 30 percent at 40 percent sa 2028.
Para sa ilang raisers, hindi lang presyo ng baboy ang problema kundi ang kabuuang gastos sa produksyon at kompetisyon sa imported pork.
Panawagan nila, mabigyan ng mas malaking suporta ang local hog industry para magpatuloy ang kanilang kabuhayan at mapalakas ang sariling produksyon ng baboy sa Pilipinas.