Malaking bahagi ng ekonomiya at trabaho sa Pilipinas ang nakatali sa karagatan, kaya pinapalakas ng Department of Labor and Employment ang paghahanda sa mga bagong trabaho sa maritime sector.
Ayon kay Labor Secretary Francis N. Tolentino, umabot sa P1.08 trillion ang economic value ng Philippine ocean economy noong 2025, katumbas ng 3.8 percent ng GDP, at nagbigay ng trabaho sa 2.46 million Filipinos.
Kabilang dito ang mga seafarer, fisherfolk, shipbuilders, ship repair workers at iba pang manggagawang nakadepende sa ocean-related activities.
Sinabi ni Tolentino na nagbabago na ang requirements sa industriya dahil sa artificial intelligence, automation, green shipping technologies, low-carbon fuels, at modern shipbuilding at ship repair.
Kaya isinusulong ng DOLE ang mas technical at specialized na skills, kabilang ang marine engineering, ship design, vessel retrofitting at ship repair, para mas maraming Filipino workers ang makapasok sa higher-value jobs.
Samantala, may Maritime Labor Affairs Office na ang DOLE para pagsama-samahin ang serbisyo para sa seafarers, gaya ng legal assistance, dispute settlement, workers’ education at employment services.
May Trabahong-Dagat din ang ahensya, bilang bahagi ng TUPAD, para makatulong sa fisherfolk at coastal communities, lalo na tuwing closed fishing season at may seasonal o climate-related disruptions.
Layunin ng DOLE na masigurong kasabay ng paglago ng blue economy ang mas maraming disenteng trabaho at proteksyon para sa mga manggagawang Pilipino.