Opens in a new tab
Skip to content
National

DOJ, kinumpirma ang kaso laban kay Batangas Congressman Leviste

Kinumpirma ng Department of Justice o DOJ na naisampa na sa Makati Regional Trial Court ang criminal case laban kay Batangas 1st District Representative Leandro Leviste at dalawa pang incorporators at corporate officers ng Solar Para Sa Bayan Corporation o SPSBC.

Kabilang sa kinasuhan sina Hazel Iris Lafuente Buencamino at Irma Flaminiano dahil sa umano’y paglabag sa Section 25 ng Commonwealth Act Number 146 o Public Service Act.

Ayon sa DOJ, isinampa ang Information noong September 29, 2026 matapos nilang makita ang prima facie evidence na may reasonable certainty of conviction. Sinabi rin ng ahensya na umano’y hindi tinupad ng SPSBC ang mga obligasyon nito sa ilalim ng legislative franchise ng kumpanya.

Samantala, naglabas ang Makati RTC Branch 235 ng warrant of arrest laban kay Leviste, na may bail na 72-thousand pesos.

Pero ayon sa DOJ, kailangan munang mapasailalim sa jurisdiction ng korte si Leviste sa pamamagitan ng arrest o voluntary surrender bago siya makapagpiyansa.

Kung nasa abroad ang akusado, kailangan pa rin niyang personal na humarap sa korte. Hindi umano sapat ang pagpunta sa Philippine embassy para mapasailalim sa jurisdiction ng korte.

Sinabi rin ng DOJ na maaaring ipatupad anumang oras ang valid at outstanding warrant kapag nasa Pilipinas na si Leviste, pero ang pagpapatupad nito ay nasa proper law enforcement authorities.