Pinapayuhan ang mga Pilipino sa Saudi Arabia na manatiling kalmado, alerto, at mapagmatyag kasunod ng mga pag-atake sa King Khalid International Airport sa Riyadh na ikinamatay ng tatlong katao, kabilang ang isang piloto.
Sa advisory ng Philippine Embassy sa Riyadh at Philippine Consulate General sa Jeddah, hinimok ang mga Pilipino na unahin ang kaligtasan, sumunod sa mga abiso ng Saudi authorities, at manatiling updated sa mga opisyal na impormasyon tungkol sa sitwasyon.
Ayon sa Saudi Arabia’s General Authority for Civil Aviation, dalawang pag-atake ang naganap sa paliparan. Ang una ay tumarget sa mga pasilidad nito, habang ang ikalawa ay tumama sa isang eroplano ng Saudia, ang national carrier ng Saudi Arabia.
Kinumpirma ng Saudia ang pagkamatay ni Captain Hamoud Ali Al-Kalthami dahil sa insidente noong Huwebes, October 8, 2026. Nasira rin ang isang eroplano habang nakaparada sa airport, pero walang pasaherong sakay nito nang mangyari ang insidente.
Ayon pa sa civil aviation authority, may ilang mamamayan at residente ring nasugatan, mula minor hanggang severe injuries, at agad na dinala sa ospital para magamot. Iniulat din ng mga awtoridad na may tatlong nasawi sa mga pag-atake sa Riyadh at Abha airports, kabilang ang isang Egyptian at isang Algerian national sa Abha, at isang Sudanese national sa Riyadh.
Samantala, sinabi ng Yemen-based Houthi movement na target nito ang Riyadh airport gamit ang ballistic missiles. Ayon sa Saudi forces, may mga papasok na missile na kanilang na-intercept.
Dahil sa mga banta at abala sa biyahe, pansamantalang sinuspinde ng ilang international airlines ang kanilang mga flight papuntang Riyadh.
Gayunman, kinumpirma ng Saudia na bumalik sa normal ang kanilang operasyon sa King Khalid International Airport alas-6 ng gabi noong October 8. Patuloy pa rin nilang mino-monitor ang mga flight schedule at nagbibigay ng updates sa mga pasahero.
Paalala ng Philippine Embassy at Consulate, tiyaking kumpirmado ang flight bago pumunta sa airport, iwasan ang mga lugar na may panganib, at huwag hawakan ang mga kahina-hinalang bagay o debris na posibleng mula sa missile o drone. I-report agad ang mga ito sa Saudi authorities.
Hinikayat din ang mga Pilipino na huwag magbahagi ng hindi beripikadong balita, larawan, o video at subaybayan ang mga opisyal na social media account ng embahada, konsulado, at Migrant Workers Offices sa Riyadh, Jeddah, at Eastern Region.
Ayon sa advisory, nananatiling bukas at tuloy ang operasyon ng embahada at konsulado upang magbigay ng angkop na tulong sa mga Pilipino sa kani-kanilang hurisdiksyon.