Opens in a new tab
Skip to content
National

Tissue at baby wipes, ipinapalit sa mamahaling gadgets sa online orders, 3 suspek arestado

Mamahaling gadgets ang target, pero tissue at baby wipes ang naiiwan sa mga parcel! Ito ang umano’y modus ng tatlong suspek na inaresto ng National Bureau of Investigation o NBI dahil sa robbery scheme na gumagamit ng online orders at delivery services.

Batay sa imbestigasyon ng NBI-Cybercrime Division o CCD, nag-o-order ang mga suspek ng high-value items gaya ng mobile phones at iba pang gadgets. Ang mga order ay naka-address sa mga lugar na malapit sa warehouse ng isang shipping company.

Kapag nakapag-ipon na umano sila ng sapat na bilang ng parcel, kinokontak nila ang delivery rider at ipinapadala ang mga package sa isang sasakyan sa halip na sa address na nakalagay sa waybill.

Sa loob ng sasakyan, pinapalitan umano ang mga mamahaling produkto ng tissue at baby wipes. Pagkatapos, ibinabalik ang mga parcel sa delivery rider at minamarkahang “RTS” o Return to Seller.

Noong September 25, 2026, nagsagawa ang NBI-CCD ng surveillance at interdiction operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa tatlong suspek. Nakuha rin sa sasakyang ginagamit umano ng mga ito ang mga parcel at kagamitan na pinaniniwalaang ginamit sa pagpapalit ng laman ng mga package.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong robbery sa ilalim ng Article 293 ng Revised Penal Code, in relation to Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.