Opens in a new tab
Skip to content
International

PCG, pinaalis ang Chinese fishing vessel at 4 na maliliit na bangka sa Lawak island

Pinaalis ng Philippine Coast Guard o PCG ang isang Chinese fishing vessel at apat na maliliit na bangka mula sa territorial sea ng Lawak Island, Palawan, nitong Huwebes.

Ayon sa PCG, namataan ang barkong Yuetaiyu 63168 na nakaangkla sa katubigan ng Lawak Island, na bahagi ng Municipality of Kalayaan, noong Huwebes ng umaga. Natuklasan din ang apat na maliliit na bangka na nakakalat sa paligid nito.

Nag-deploy ang PCG ng rubber boat upang idokumento ang mga sasakyang pandagat at paalisin ang mga ito. Ilang beses umanong tinawagan sa radyo ang Chinese vessel, at tatlong beses itong inikutan ng mga tauhan ng Coast Guard, ngunit hindi ito tumugon.

Dahil dito, pinuntahan ng PCG ang apat na maliliit na bangka at pinaalis din ang mga ito.

Ayon kay Rear Admiral Jay Tarriela, tagapagsalita ng PCG para sa West Philippine Sea, nanatili ang kanilang mga tauhan sa lugar hanggang sa itaas ng Chinese vessel ang angkla nito at umalis sa katubigan.

Namonitor din ang pagbabalik ng apat na bangka sa kanilang mother vessel bago ito tuluyang umalis sa territorial sea ng Lawak Island.

Binigyang-diin ng PCG na saklaw ng soberanya ng Pilipinas ang territorial sea ng isla, at kailangan ng pahintulot upang makapangisda rito ang mga dayuhang sasakyang pandagat.

Dagdag pa ng ahensya, ang paggamit ng maliliit na bangka para sa pangingisda sa naturang katubigan ay maaaring lumabag sa Philippine Fisheries Code at Philippine Maritime Zones Act.