Arestado ang isang 18-anyos na lalaki sa Quezon City, 55 minuto matapos maglabas ng flash alarm ang Holy Spirit Police Station kaugnay ng naiulat na cellphone-snatching bandang alas-tres ng madaling-araw.
Namataan ng La Loma Police Station ang suspek na si “Renz” bandang alas-3:55 ng umaga sa A. Bonifacio Avenue, malapit sa Dorotea Street, Barangay Balingasa. Sakay siya ng itim na motorsiklo na walang plaka.
Narekober sa kaniya ang isang .38-caliber revolver na may apat na bala. Sa compartment ng motorsiklo, nakita rin ang isang hand grenade at limang cellphone kung saan tatlong iPhone at dalawang Android.
Nahaharap ang suspek sa mga kasong may kaugnayan sa illegal possession of firearms and ammunition sa ilalim ng Republic Act 10591, at illegal possession of explosives sa ilalim ng Republic Act 9516. Isasampa ang mga kaso sa Quezon City Prosecutor’s Office.