Opens in a new tab
Skip to content
National

521 kilos ng shabu sa Laos, tinutunton ang pinagmulan ayon kay DILG Remulla

Hindi pa direktang iniuugnay ng Department of the Interior and Local Government o DILG ang isang drug syndicate mula Davao sa nasabat na ₱3.5-billion na hinihinalang ilegal na droga sa Laos. Sa halip, tinutukoy ng mga awtoridad ang mga indibidwal na posibleng sangkot sa operasyon.

Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla nitong Biyernes, October 16, nagmula sa Golden Triangle, isang kilalang drug-producing region na sumasaklaw sa bahagi ng Myanmar, Laos, at Thailand, ang 521 kilograms ng hinihinalang shabu.

Kinilala naman ng imbestigasyon si dating Bangsamoro parliament member Edrieza Hadji Nasser Rimbang, o Sultan Rimbang, bilang pinaghihinalaang financier ng operasyon. Ayon kay Remulla, posibleng pinondohan nito ang pag-aayos ng private aircraft na sana’y magdadala ng droga mula Laos patungong Manila noong huling bahagi ng Setyembre.

Hindi rin isinasara ng DILG ang posibilidad na may iba pang politikong sangkot. Gayunman, wala pang naitatatag na koneksiyon sa pagitan ng dating Pangulong Rodrigo Duterte at ng umano’y smuggling operation, kahit kabilang sa parehong political party si Rimbang.

Samantala, sinabi ni Remulla na nakabatay sa mga dokumento at aktuwal na imbestigasyon ang mga inilalabas na impormasyon, kasama ang koordinasyon sa mga awtoridad sa Southeast Asia.

Ayon sa Philippine National Police at Philippine Drug Enforcement Agency, mayroon nang hindi bababa sa 13 persons of interest habang sinusuri ang mga financial transaction na may kaugnayan sa kaso.

Gayunman, hinihintay pa ang laboratory results mula Laos upang makumpirma ang uri ng nasabat na substance.