Isang spinner dolphin ang matagumpay na nagabayan palayo sa shoreline ng Barangay Lazareto, Calapan City, Oriental Mindoro, matapos itong mamataan sa lugar noong October 17, 2026.
Ayon kay Arvi Magtibay, miyembro ng Bantay Dagat, tinatayang 1.6 meters ang haba ng dolphin nang una itong makita sa Barangay Suqui bago makarating sa baybayin ng Barangay Lazareto bandang alas-singko ng umaga.
Agad namang rumesponde ang Coast Guard Station Oriental Mindoro, sa pamamagitan ng Coast Guard Sub-Station Calapan, kasama ang MEP-ERU personnel.
Sa koordinasyon ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR, unti-unting ginabayan ng response team ang dolphin patungo sa mas malalim na bahagi ng tubig hanggang sa hindi na ito makita.
Pinayuhan din ang mga residenteng malapit sa lugar na agad ipagbigay-alam sa Coast Guard Station Oriental Mindoro kung muling mamataan o bumalik sa baybayin ang marine mammal.
Paalala naman ng Coast Guard sa publiko, huwag balewalain ang ganitong insidente at agad itong i-report sa mga kinauukulang awtoridad upang makatulong sa kaligtasan ng mga dolphin at pangangalaga sa marine life.