Opens in a new tab
Skip to content
Community

Lokal na pamana, dapat mapanatiling buhay sa mga komunidad ayon kay Sen. Legarda

Hindi lang pag-iingat ng mga lumang kagamitan at dokumento ang hamon sa mga museo sa Pilipinas. Mahalaga ring matiyak na naipapasa sa susunod na henerasyon ang mga tradisyon at kaalamang bahagi ng pagkakakilanlan ng bawat komunidad.

Ito ang isa sa mga isyung binigyang-pansin ngayong Museums and Galleries Month sa Oktubre, kasabay ng panawagan ni Senator Loren Legarda na palawakin ang mga espasyong pangkultura sa labas ng malalaking lungsod.

Sa ilalim ng Republic Act No. 11961 o Cultural Mapping Law, kailangang tukuyin at idokumento ng mga lokal na pamahalaan ang kanilang tangible, intangible, natural, at built heritage. Nagbibigay ito ng mas malaking papel sa mga LGU at komunidad sa pagtukoy kung anong mga pamanang dapat pangalagaan sa kanilang lugar.

Kabilang din sa mga isinusulong na hakbang ang Senate Bill No. 1507, na naglalayong gawing institusyonal ang Schools of Living Traditions, kung saan naituturo ng mga cultural master ang tradisyunal na kaalaman at kasanayan.

Samantala, sa Senate Bill No. 1425, isinusulong ang pagtatatag ng Aklan Piña Conservation and Innovation Center sa Kalibo para sa konserbasyon, pananaliksik, pagsasanay, at pagpapaunlad ng tradisyon ng paghahabi ng piña.

Kabilang naman sa mga naitatag o suportadong espasyong pangkultura ang Hibla ng Lahing Filipino sa National Museum, pati ang mga regional gallery na Hibla Iloko at Habol Panay.

Sa temang “Bridging Divides, Preserving the Present for Tomorrow” ngayong 2026, nakatuon ang pagdiriwang sa papel ng mga museo at galeriya sa pag-uugnay ng iba’t ibang henerasyon at pamayanan. | BChannel News