Hanggang ₱30,000 na incentive ang maaaring matanggap ng mga kwalipikadong empleyado ng gobyerno simula December 15 hanggang 31, matapos aprubahan ng Department of Budget and Management o DBM ang 2026 Collective Negotiation Agreement o CNA Incentive.
Gayunman, hindi garantisadong makukuha ng lahat ang buong halaga dahil ibabatay ito sa performance at natipid na pondo ng kani-kanilang ahensya.
Kabilang sa mga saklaw ang national government agencies, GOCCs, state universities and colleges, at local government units o LGUs.
Kailangang maabot ng karamihan sa mga ahensya ang hindi bababa sa 75 percent ng kanilang performance targets.
Para naman sa mga empleyado, kailangang may hindi bababa sa 10 buwang serbisyo hanggang October 31 upang makuha ang buong aprubadong insentibo. Pro-rated o depende sa haba ng serbisyo ang matatanggap ng mga hindi umabot dito.
Nakasaad ito sa Budget Circular No. 2026-1 na nilagdaan ni DBM Acting Secretary Kim Robert De Leon. Bawal ding gamitin ang pondong nakalaan sa direct public services para sa pagbabayad ng insentibo.