Posibleng maharap sa pagkakakulong at multa ang mga gasolinahang hindi sumusunod sa itinakdang oil price rollback. Ito ang babala ng Department of Energy o DOE matapos makatanggap ng ulat na may ilang gasoline stations sa Metro Manila na hindi nagpatupad ng buong bawas-presyo sa gasolina.
Sa halip na ibaba agad ang presyo ng gasolina nang P16.80 kada litro, may isang gasolinahan umanong P12.20 lamang ang unang ibinawas, at nangakong ipatutupad ang natitirang mahigit P4 kada litro sa mga susunod na araw.
Ayon kay DOE-Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad, titipunin muna nila ang mga report mula sa kanilang field offices bago isumite ang mga findings sa legal department para sa kaukulang aksyon.
Binigyang-diin naman ng ahensya na ang hindi pagpapatupad ng buong rollback ay maaaring ituring na price manipulation.
Kaugnay nito, inatasan na ng DOE ang lahat ng oil companies na tiyaking naipatutupad ng kanilang mga gasoline station ang itinakdang bawas-presyo na P16.80 kada litro sa gasolina, P4.10 sa diesel at P3.70 sa kerosene.
Ayon sa kagawaran, iniuugnay ang malaking rollback sa galaw ng imported oil prices, kabilang ang pag-asang magkakaroon ng kapayapaan sa pagitan ng United States at Iran, gayundin ang resulta ng US midterm elections kung saan nanalo ang Democrats.
Pinapayuhan ang mga motorista na i-report sa 8888 o sa Gas Station Concerns feature ng e-GovPH app ang mga gasolinahang hindi sumusunod sa price adjustment.
Magsasagawa rin ang DOE ng random inspections upang matiyak ang pagsunod ng mga ito.
Samantala, inaasahan pang magkaroon ng panibagong malaking rollback sa susunod na linggo, batay sa unang dalawang araw ng trading sa international oil market. Ayon kay Abad, posibleng malaki rin ang ibaba sa presyo ng diesel at kerosene kung magpapatuloy ang pagbaba ng presyo ng langis hanggang Biyernes.