Pinatawan ng preventive suspension nang hanggang anim na buwan, nang walang sahod, ng Office of the Ombudsman si Rosario, Cavite Mayor Jose Voltaire Ricafrente dahil sa umano’y paglahok sa gambling activities sa isang casino sa Bacolod City.
Batay sa imbestigasyon, nagtungo ang alkalde sa isang casino sa loob ng hotel noong March 14, 2026, kasama ang apat na hindi pinangalanang indibidwal. Ayon sa Ombudsman, naglaro ito sa gaming table gamit ang P30,000 halaga ng casino chips at nanalo umano ng P10,000 bago umalis.
Nag-ugat ang kaso sa reklamong inihain ng Field Investigation Office I ng Ombudsman. Nahaharap ang alkalde sa administrative charges na Grave Misconduct at Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service.
Ipinunto rin ng Ombudsman ang Memorandum Circular No. 06, series of 2016, na nagbabawal sa mga opisyal at empleyado ng gobyerno na makilahok sa gambling activities sa mga casino.
Paliwanag ng ahensya, kailangan ang suspensyon upang hindi maimpluwensyahan ng alkalde ang mga testigo o magamit ang kanyang access sa mga dokumento ng pamahalaan.
Mananatiling suspendido si Ricafrente habang hindi pa nareresolba ang kasong administratibo.