Pinagtibay ng Supreme Court ang constitutionality ng Republic Act No. 12326 na nagpapahaba sa termino ng mga barangay officials at Sangguniang Kabataan o SK members mula apat hanggang limang taon. Nakatakda naman sa November 2028 ang susunod na Barangay and SK Elections o BSKE.
Ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon ni Romulo B. Macalintal na kumukuwestiyon sa bisa ng nasabing batas.
Ayon sa SC, hindi ito simpleng pagpapaliban ng eleksyon kundi pagtatakda ng bagong haba ng termino ng mga opisyal. May kapangyarihan ang Kongreso na magtakda nito basta makatwiran ang transition period at hindi naaapektuhan ang karapatan ng publiko na bumoto.
Layunin din ng November 2028 election schedule na mapanatili ang tuloy-tuloy na serbisyo at mga development program sa mga barangay, habang naghahanda ang COMELEC sa May 2028 national and local elections.
Sa ilalim ng batas, mananatili sa puwesto ang mga halal na opisyal noong October 2023 hanggang mahalal at makaupo ang kanilang mga kapalit.
Gayunman, hindi sang-ayon dito sina Senior Associate Justice Marvic Leonen, Associate Justices Alfredo Benjamin Caguioa at Antonio Kho Jr. dahil sa kanilang mga pangamba sa pagpapahaba ng termino at karapatan ng publiko sa pagboto. Si Associate Justice Jhosep Lopez naman ay sumang-ayon sa desisyon ng mayorya.