Patay ang isang lalaki habang ilang miyembro ng pamilya ang nasugatan matapos sumiklab ang sunog sa isang residential area sa Sitio Matatag, Barangay Calios, Sta. Cruz, Laguna madaling araw ng March 28, 2026.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Sta. Cruz Municipal Police Station, nadiskubre ng isa sa mga residente ang sunog sa loob ng kanilang bahay bandang alas-12:30 ng madaling araw. Agad nitong inalerto ang kanyang pamilya at humingi ng tulong sa mga awtoridad.
Bandang alas-2:45 ng madaling araw nang i-report ng isang concerned citizen ang insidente sa pulisya, habang rumesponde naman ang Bureau of Fire Protection at tuluyang naapula ang apoy alas-2:57 ng umaga.
Sa kasamaang palad, na-trap sa loob ng kanyang bahay ang isa sa mga residente na kalaunan ay natagpuang wala nang buhay. Samantala, ang mga nasugatan ay dinala sa ospital para sa agarang gamutan.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang sanhi ng sunog. | BChannel News