Iginiit ni Executive Secretary Ralph G. Recto na hindi pulitika kundi kumpletong dokumento ang basehan sa pag-release ng pondo sa ilalim ng programang “Bawat Barangay Makikinabang” ng administrasyon ni Ferdinand R. Marcos Jr..
Ayon kay Recto, bawat barangay ay may makukuhang 200,000 pesos. Kalahati nito ay para sa mga proyekto tulad ng ilaw sa kalsada, CCTV, patrol vehicles, at generators para sa health centers at evacuation sites. Ang natitirang pondo naman ay para sa tulong sa mga graduating college students na nanganganib huminto sa pag-aaral, na target umabot sa 200,000 estudyante.
Nilinaw din niya na may malinaw na proseso ang programa at kailangang kumpleto ang requirements para masunod ang patakaran ng Commission on Audit. Kapag kulang ang dokumento, doon lang nagkakaroon ng delay sa pag-release ng tulong.
Sa Batangas, nasa 980 na sa 1,078 barangays ang nakatanggap na ng pondo, habang ang iba ay hinihintay pa matapos ang requirements. May ilang tseke rin na hindi pa nakukuha dahil sa hindi pagdalo sa turnover, habang ang iba naman ay hindi pa nagsusumite ng kumpletong papeles.
Binigyang-diin ni Recto na mali ang alegasyon na may mga barangay na hindi nabigyan dahil sa pulitika. Aniya, ang tulong ng gobyerno ay karapatan ng bawat barangay at hindi dapat gawing isyu ng politika.
Sa huli, panawagan ng pamahalaan sa lahat ng lokal na opisyal na kumpletuhin ang requirements upang agad na maipamahagi ang tulong, na layong mapabuti ang buhay ng mga Pilipino sa bawat komunidad.