Umani ng pansin sa Senado ang matapang na pagtatanong ni Senador Imee Marcos sa Meralco kaugnay ng sunod-sunod na reklamo ng mga consumer sa mataas na electric bills o tinatawag na “bill shock.”
Sa pagdinig ng Senate PROTECT Committee, sinabi ni Marcos na dapat mas mababa ang dagdag-singil sa kuryente kahit may krisis sa langis, dahil malaking bahagi ng suplay ng kuryente sa bansa ay mula rin sa coal, hydro, at renewable energy.
Kinuwestiyon din ng senadora ang paraan ng pagkalkula ng ilang charges tulad ng generation, transmission, ancillary services, at system loss, na ayon sa kanya ay posibleng nagpapalaki sa kabuuang bayarin ng consumers.
Iminungkahi rin niya na pag-aralan kung maaaring mas malimitahan ang system loss charges sa panahon ng krisis, at kung dapat bang mas malaking bahagi ng ilang subsidy at discount programs ang akuin ng malalaking utility companies kaysa ipasa sa consumers.
Kasama rin sa kanyang panawagan ang masusing imbestigasyon sa biglaang pagtaas ng konsumo, mas mahigpit na pagsusuri sa metro readings, at posibleng pagrepaso sa ilang probisyon ng EPIRA Law.
Samantala, ayon naman sa Meralco at sa Energy Regulatory Commission o ERC, ang mga charges na lumalabas sa electric bill—kabilang ang Lifeline Rate subsidy, Senior Citizen discount, at renewable energy charges tulad ng FIT-All at GEA-All—ay nakabatay sa umiiral na batas at nangangailangan ng approval ng komisyon bago ipatupad.

Paliwanag ng ERC, hiwa-hiwalay na ipinapakita ang mga ito sa billing statement para sa transparency at upang malinaw na makita ng consumers ang bawat bahagi ng kanilang binabayaran.
Sa isang viral post ng isang netizen mula sa Alfonso, Cavite takang-taka ito sa electric bill ng bahay na ayon sa kanya’y mahigit 10 taon nang walang nakatira at halos wala nang appliances.


Sa gitna ng patuloy na taas-singil at init ng panahon, nananatiling sentro pa rin ng usapin ang panawagan para sa balanseng solusyon tulad ng proteksyon sa consumers, pagsunod sa batas, at mas maayos na pagsusuri sa power billing system. | BChannel NEWS