Kinondena ng Bayan Muna at ilang consumer advocates ang biglaang taas-singil sa kuryente nitong Abril at Mayo 2026, matapos umabot sa record-high na P14.3496 kada kilowatt-hour ang rate ng Manila Electric Company o Meralco.
Ayon kay Bayan Muna chairperson Neri Colmenares, mabigat umano para sa milyon-milyong consumers ang dagdag-singil lalo na sa gitna ng mataas na presyo ng bigas at iba pang pangunahing bilihin. Kwestyon niya kung bakit ipinapasa sa mga ordinaryong pamilya ang epekto ng paghina ng piso laban sa dolyar, lalo na kung may mga power supply contract na nakaangkla sa foreign currency.
Binatikos din ng grupo ang pagpapatuloy ng 12 percent VAT sa system loss charge, o bayaring konektado sa nawawalang kuryente sa transmission at distribution system. Para sa Bayan Muna, hindi makatarungan na magbayad ang consumers para sa kuryenteng hindi naman nila direktang nagamit, kabilang ang losses na maaaring dulot ng inefficiency o illegal connections.
Sa social media post ni Colmenares, sinabi rin niyang bagamat may lifeline subsidies at benepisyo para sa senior citizens na itinatadhana ng batas, hindi umano malinaw na dapat itong direktang ipasa sa regular consumers. Aniya, dapat umanong gobyerno ang maglaan ng pondo para rito mula sa national budget.
Isa rin sa binigyang-diin ng grupo ang mabagal umanong paglipat sa renewable energy sources. Ayon sa kanilang pahayag, nananatiling malaking bahagi ng supply mix ng Meralco ang imported coal at natural gas, na naaapektuhan ng galaw ng pandaigdigang merkado at palitan ng piso kontra dolyar.
Dahil dito, nananawagan ang Bayan Muna na repasuhin ang power supply agreements upang mabawasan ang exposure sa dollar-based pricing, alisin ang VAT sa ilang pass-through charges, at pag-aralan ang mas malawak na paggamit ng renewable energy upang mapababa umano ang singil sa consumers.
Sa panig naman ng Meralco, ipinaliwanag nitong ang pangunahing dahilan ng pagtaas ng April bill ay ang pagtaas ng generation charge—ang pinakamalaking bahagi ng kabuuang electric bill—na apektado ng paghina ng piso laban sa dolyar dahil malaking bahagi ng generation cost ay binabayaran sa foreign currency.
Dagdag pa rito, mas mataas din umano ang konsumo ngayong summer season dahil sa mas madalas at mas matagal na paggamit ng aircon, electric fan, refrigerator, at work-from-home setups.
Batay sa breakdown ng Meralco, 88 percent ng binabayaran ng consumers ay pass-through charges na hindi napupunta sa kumpanya. Kabilang dito ang 64 percent para sa generation companies, 8 percent para sa transmission charge ng NGCP, 5 percent para sa system loss, at 11 percent para sa taxes, universal charges, at subsidies tulad ng lifeline at senior citizen discounts.
Labindalawang porsyento lamang umano ng kabuuang bill ang napupunta sa Meralco para sa distribution at customer service, at ayon sa kumpanya, wala itong taas mula pa noong 2015.
Iginiit din ng Meralco na ang lahat ng charges sa electric bill ay alinsunod sa umiiral na batas at regulasyon ng Energy Regulatory Commission o ERC. | BChannel News