Umiinit ngayon ang usapin sa Kongreso at education sector matapos lumabas ang datos ng Department of Education na 87 percent ng Grade 11 students sa Pilipinas ang hirap sa reading comprehension.
Batay ito sa assessment ng Second Congressional Commission on Education o EDCOM 2 sa pilot ng enhanced senior high school curriculum, kung saan 12 percent lamang ang tinukoy na independent readers o kayang umunawa nang mag-isa.
Ayon kay EDCOM Co-Chair Roman Romulo, malaking problema ito dahil senior high na ang mga estudyante at inaasahang handa na sa kolehiyo o trabaho. Babala niya, kung kulang pa rin sa basic reading skills, maaaring maapektuhan ang kalidad ng future workforce ng bansa.
Sa hiwalay na pananaw, sinabi ni ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio na indikasyon ito ng malalim na problema sa sistema ng edukasyon. Ayon sa kanya, hindi lang iisang sanhi kundi kombinasyon ng kakulangan sa guro, pasilidad, at polisiya ang dahilan ng mababang literacy.
Ibinunyag din na may mga estudyanteng napo-promote kahit hindi naaabot ang minimum competencies, kaya may mga nakakapagtapos pero kulang sa kakayahan sa pagbasa at pag-unawa.
Sa mga pagdinig, nabanggit na hindi pa sapat ang learning recovery program ng DepEd gaya ng ARAL dahil sa kakulangan sa tutors at mababang attendance ng estudyante.
May mga mungkahi rin na baguhin ang approach sa senior high school, kabilang ang muling pagtutok sa basic skills tulad ng reading, writing, at arithmetic.
Matatandaang ipinatupad ang K-12 program sa noong administrasyon ni dating Pangulong Benigno Aquino III para iangat ang education system sa global standard, pero ayon sa ilang mambabatas, hindi nito lubusang naresolba ang problema sa literacy.
Dagdag pa rito, ayon sa Philippine Statistics Authority, halos 19 milyong high school graduates noong 2024 ang itinuturing na functionally illiterate—marunong bumasa pero hirap umintindi. | BChannel News