Nagbabala ang DENR-Environmental Management Bureau o EMB-NCR matapos umabot sa “very unhealthy” level ang air quality sa ilang bahagi ng Metro Manila nitong Miyerkules ng umaga.
Batay sa 9 a.m. monitoring, pinakamataas ang AQI sa Las Piñas na 184, sinundan ng Parañaque-Don Bosco na 177 at PEATC na 169. Naitala rin ang 167 sa Muntinlupa-Bilibid, 161 sa Filinvest, 155 sa Caloocan, at 153 sa Taguig.
Samantala, “unhealthy for sensitive groups” ang readings sa Marikina-CEMO 134, Pasay 134, Valenzuela 137, Navotas 120, Pateros 118, San Juan 116, Manila 115, Quezon City-Ateneo 110, Makati 107, Mandaluyong 107, at Marikina-Parang 102.
Ayon sa EMB-NCR, posibleng may thermal inversion na nagta-trap ng pollutants. Pinapayuhan ang mga bata, buntis, senior citizens, at may sakit sa puso o baga na iwasang magtagal sa labas.