Nilinaw ng Department of the Interior and Local Government o DILG na hindi nito proyekto ang mga mini fire trucks o fire trikes na kumakalat online at iniuugnay sa planong pagbili ng gobyerno ng mga bagong fire truck.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, ang mga fire trikes na makikita sa viral posts ay binili ng mga local government unit o LGU, at hindi ng DILG.
Kabilang dito ang anim na three-wheeled Fire Fighter Rescue Vehicles na inilunsad ng San Antonio, Nueva Ecija noong July 6, 2026. Mayroon ding tatlong fire suppression penetrators na ipinabless ng LGU Naval, Biliran noong July 10. Parehong three-wheeled vehicles ang mga ito na inilaan para sa mga lugar na mahirap pasukin ng regular na fire trucks.
Samantala, ang P10-million fire trucks na binanggit ni Remulla ay bahagi pa lamang ng planong procurement ng DILG mula South Korea.
Ayon sa kalihim, target nilang bumili ng 1,500 bagong fire trucks para sa mga local government sa buong bansa sa loob ng susunod na isa’t kalahating taon. Nakatakda ring bumiyahe ang mga opisyal sa South Korea sa loob ng dalawang linggo para sa government-to-government agreement.
Sinabi ni Remulla na nasa P16 million ang dating presyo ng mga fire truck na binibili ng Bureau of Fire Protection o BFP, habang nasa P10 million bawat unit ang target na presyo sa bagong kasunduan. Aniya, maaari itong magresulta sa tinatayang P9 billion na savings sa loob ng tatlong taon.
Nilinaw din ng DILG na ang mga larawang ginagamit online bilang halimbawa ng mga bagong fire truck ay illustration lamang ng specifications na inihahanda ng BFP at hindi pa aktuwal na mga unit na binili ng kagawaran.
Ang target na fire truck ay may tangke na hindi bababa sa 3,000 liters, pump capacity na hindi bababa sa 1,800 liters kada minuto, crew cab para sa anim na tauhan, at rescue tools.
Layunin ng planong procurement na madagdagan ang firefighting equipment ng mga lungsod at munisipyo at mapabilis ang response sa sunog at iba pang emergency.