Opens in a new tab
Skip to content
National

Remulla, na-reimburse na ang gastos sa drug test ni Vice Mayor Respicio

Nabayaran na ni Department of the Interior and Local Government o DILG Secretary Jonvic Remulla ang ginastos ni Reina Mercedes, Isabela Vice Mayor Harold Respicio para sa drug test na isinagawa nito matapos siyang hamunin ng kalihim na sumailalim sa naturang pagsusuri.

Kinumpirma mismo ni Remulla sa isang online post ang reimbursement at nag-upload ng screenshot bilang patunay ng ipinadalang pera.

Bago nito, sinabi ni Remulla na babayaran niya ang naging gastos ni Respicio at kukunin pa sana niya ang contact number ng bise alkalde mula sa DILG records para maipadala ang pera sa pamamagitan ng GCash.

Pero nauna nang inilagay ni Respicio sa kanyang Facebook account ang GCash QR code, kasama ang kabuuang halagang kailangan niyang ma-reimburse.

Nag-ugat ang usapin sa mga viral video kung saan makikitang nakikipagtalo si Respicio sa isang barangay captain at sa isang police official sa magkahiwalay na insidente sa Reina Mercedes.

Dahil dito, sinabi ni Remulla na gusto niyang magpa-drug test si Respicio dahil sa umano’y kakaibang asal nito. Agad namang nagpa-test ang bise alkalde sa isang ospital at sinabi niyang negatibo ito sa paggamit ng illegal drugs.

Kalaunan, sinabi ni Remulla na dahil cleared na sa drug test si Respicio, posibleng mental health issue ang dapat ikonsidera sa kanyang naging asal.

Samantala, nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente, habang sinabi ni Remulla na ipinauubaya niya sa governor ng Isabela ang usapin.