Opens in a new tab
Skip to content
National

Mga rider na nag-sasayaw at may illegal modified muffler pinatawag ng LTO

Inatasan ng Land Transportation Office o LTO ang isang motorcycle rider at ang rehistradong may-ari ng motorsiklo nito na magpaliwanag matapos kumalat sa Facebook ang video ng umano’y mapanganib na pagmamaneho sa kalsada.

Sa direktiba ni LTO Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, naglabas ang ahensya ng Show Cause Order o SCO matapos makita sa video ang rider na paulit-ulit na nagbibirit ng makina gamit ang motorsiklong may illegal modified muffler. Makikita rin ang rider at ilan nitong kasama na sumasayaw habang nagmamaneho ng kani-kanilang motorsiklo.

Kabilang sa mga posibleng paglabag na ipinapaliwanag sa kanila ang illegal muffler modification, reckless driving, at improper person to operate a motor vehicle.

Inatasan ang rehistradong may-ari at itinalagang rider na humarap sa Intelligence and Investigation Division o IID ng LTO Central Office sa East Avenue, Quezon City, sa October 14, 2026. Kailangan din nilang magsumite ng sinumpaang salaysay o komento at mga kaukulang orihinal na dokumento.

Samantala, sasailalim sa 90-day preventive suspension ang driver’s license ng rider, na kailangan niyang isuko sa IID para sa kaukulang proseso.

Naka-alarm na rin ang motorsiklo at kailangang dalhin sa North Motor Vehicle Inspection Center o NMVIC para sa inspeksyon sa itinakdang araw ng pagdinig.

Ayon sa LTO, dapat pairalin ng mga motorista ang disiplina at responsableng pagmamaneho upang maiwasan ang mga aksidenteng maaaring maglagay sa panganib sa ibang gumagamit ng kalsada.