Opens in a new tab
Skip to content
National

Mga kompanyang pabaya sa abandonadong kable sa poste, posibleng parusahan

Posibleng mawalan ng permit ang mga public utility company na hindi mag-aalis ng mga kable na matagal nang hindi ginagamit, sa ilalim ng panukalang batas na inihain sa Kamara.

Sa House Bill No. 11461, isinusulong ni Parañaque City 2nd District Representative Brian Yamsuan ang mas mahigpit na pag-aasikaso sa mga nakalaylay at nagsasalimuot na wire sa mga komunidad.

Bukod sa posibilidad na makasuspinde o mawalan ng permit, maaari ring pagmultahin ang mga kumpanyang mapapatunayang nagpabaya sa kanilang mga linya.

Paliwanag ni Yamsuan, hindi lahat ng nakikitang kable sa mga poste ay aktibo pa. May mga lumang linya ng cable TV, internet at telecommunications na wala nang gamit, habang may mga ilegal na jumper din na nakasabit sa mga linya ng kuryente.

Sa Section 4 ng panukala, kailangang panatilihing maayos at ligtas ang mga aerial utility wire, pati na ang pagtanggal sa mga abandonadong kable.

Samantala, kinilala ni Yamsuan ang mga hakbang ng Manila, Taguig at San Juan, kasama ang iba pang LGUs, para linisin ang mga poste katuwang ang mga utility provider.