Target ng National Dairy Authority o NDA na mapataas ang local milk production sa bansa, kasunod ng pagdating ng 1,419 buntis na dairy cattle mula Australia.
Matapos ang tatlong taon, muling nag-import ang ahensya ng mga dairy cattle para mapalawak ang bilang ng mga alagang baka at masuportahan ang pangangailangan sa gatas.
Inaasahang makapag-aambag ang mga ito ng 5.9 million liters ng gatas pagsapit ng 2027. Mula sa 1,419 na baka, target na umabot sa 2,527 ang kabuuang bilang, kasama ang mga magiging anak ng mga ito.
Sa ilalim ng stock farm at animal dispersal programs ng NDA, ipamamahagi ang mga offspring sa mga kwalipikadong dairy farmers at kooperatiba para makatulong sa kanilang kabuhayan at produksyon.
Kabilang sa mga makikinabang ang 176 na coconut farmers sa ilalim ng Coconut Farmers and Industry Development Plan o CFIDP, sa pakikipagtulungan ng Philippine Coconut Authority o PCA.
Samantala, umabot sa 24 oras ang tuloy-tuloy na operasyon ng pagbaba ng mga baka. Bawat hayop ay maingat na binantayan at sinuri upang matiyak ang kaligtasan nito.
Layunin ng programa na palakasin ang lokal na industriya ng gatas at magbukas ng mas maraming oportunidad para sa mga magsasakang Pilipino.