Opens in a new tab
Skip to content
International

Filipino worker, nasawi sa drone interception sa Saudi Arabia

Kinumpirma ng Department of Migrant Workers o DMW ang pagkasawi ng isang Overseas Filipino Worker o OFW matapos ma-intercept ng air defense system ng Saudi Arabia ang isang drone na tangkang umatake sa processing facility ng Saudi Aramco sa Shaybah Oilfield, Eastern Province, noong Miyerkoles, October 21.

Ayon sa Saudi Arabia Ministry of Energy, naganap ang insidente noong umaga, kung saan nahulog ang mga debris mula sa na-intercept na drone at tumama sa dalawang dayuhang manggagawa na ikinasawi ng isang Pilipino at isang Nepali.

Dalawa pang foreign nationals, isang Pakistani at isang Indian, ang nasugatan sa insidente.

Ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Cacdac, sakay ng isang sasakyan ang nasawing OFW nang mangyari ang insidente. Nagkaroon din ng sunog sa isang sasakyan na pag-aari ng contractor na nagtatrabaho sa oilfield, sa labas ng perimeter ng pasilidad.

Samantala, nakausap na ng Overseas Workers Welfare Administration o OWWA ang pamilya ng nasawing Pilipino at tiniyak ang tulong ng pamahalaan, kabilang ang pagpapauwi sa labi nito sa Pilipinas.

Nilinaw naman ng Saudi Ministry of Energy na walang naging epekto ang insidente sa operasyon ng oil facility. Agad ding rumesponde ang mga kinauukulang awtoridad at nagsagawa ng mga kinakailangang hakbang.

Nagpaabot naman ng pakikiramay ang Saudi government sa mga pamilya ng nasawi at nagpaabot ng pag-asang mabilis na gumaling ang mga sugatan.