Opens in a new tab
Skip to content
Business

Privatization ng MRT-3, itutuloy sa 2027; P103.6-billion ang halaga ng kontrata ayon sa DOTr

Target ng Department of Transportation o DOTr na ma-award sa private operator ang ₱103.6-billion concession ng Metro Rail Transit Line 3 o MRT-3 pagsapit ng kalagitnaan ng 2027, sa layuning mapabuti ang serbisyo sa mga commuter.

Ayon kay Transportation Secretary Giovanni Lopez, nakatakdang simulan ang bidding sa proyekto sa kalagitnaan ng 2027, habang target namang matapos ang awarding sa second quarter o kalagitnaan ng susunod na taon.

Sa ilalim ng public-private partnership o PPP, inaasahang mapapahusay ng bagong operator ang reliability ng mga tren, availability ng mga bagon, on-time performance, at kalinisan at maintenance ng mga tren at pasilidad. Kasama rin sa modernization plan ang pagpapalit o pagdagdag ng mga tren at pag-upgrade ng signaling system para mapalakas ang kapasidad at efficiency ng operasyon.

Ayon sa DOTr, ibabatay sa performance standards ang bayad sa concessionaire upang matiyak na maayos ang serbisyong matatanggap ng mga pasahero. Gayunman, mananatili sa pamahalaan, sa pamamagitan ng DOTr, ang kapangyarihang magtakda ng pamasahe.

Nilinaw rin ni Lopez na hiwalay na iaalok sa private sector ang MRT-3 at hindi na isasama sa isang concession contract ang Light Rail Transit Line 2 o LRT-2. Noong 2023, pinag-aaralan pa ng gobyerno ang posibilidad na pagsamahin ang operasyon at maintenance ng dalawang linya.

Sa ngayon, mahigit 388-thousand passengers ang sinasakay ng MRT-3 kada araw sa 13 stations nito sa kahabaan ng EDSA. Nag-expire naman noong 2025 ang build-lease-transfer agreement ng gobyerno sa Metro Rail Transit Corporation, ang private consortium na nagtayo ng linya.

Para makahikayat ng investors, nagsagawa ang DOTr at Asian Development Bank o ADB ng market-sounding activities, kabilang ang mga pulong sa Singapore at Tokyo, Japan. Tinatayang 100 local at international companies ang nagpahayag ng interes sa proyekto.

Samantala, target din ng DOTr na matapos sa kalagitnaan ng 2027 ang bidding para sa ₱229-billion concession ng North-South Commuter Railway o NSCR. Ang ₱873.6-billion railway project, na co-funded ng Japan, ay may habang 147 kilometers at mag-uugnay sa Clark International Airport sa Pampanga at Calamba, Laguna.