Opens in a new tab
Skip to content
Livelihood

Bilang ng walang trabaho sa bansa, umabot sa 2.86 milyon ayon sa PSA

Nadagdagan ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho sa bansa matapos umabot sa 2.86 milyon noong September 2026, mas mataas kumpara sa 2.77 milyon noong August at 1.96 milyon sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.

Ayon sa Philippine Statistics Authority o PSA, bahagyang umakyat sa 5.4 percent ang unemployment rate mula 5.3 percent noong Agosto. Mas mataas din ito kumpara sa 3.8 percent noong September 2025.

Sa kabila nito, umabot sa 50.32 million ang employed Filipinos, mas mataas sa 49.79 million noong Agosto. Gayunman, bahagyang bumaba sa 94.6 percent ang employment rate mula 94.7 percent.

Nasa 64.5 percent naman ang labor force participation rate, katumbas ng 53.19 million Filipinos na edad 15 pataas na nagtatrabaho o naghahanap ng trabaho.

Samantala, bumaba sa 11 percent ang underemployment rate mula 11.9 percent, o katumbas ng 5.56 million workers na naghahangad ng dagdag na oras o mas maayos na trabaho.

Pinakamaraming manggagawa ang nasa services sector na may 62.2 percent, kasunod ang agriculture na may 20.7 percent at industry na may 17.1 percent.

Pinakamalaking dagdag sa trabaho ang naitala sa wholesale and retail trade na may 546,000, accommodation and food services na may 449,000, at public administration and defense na may 314,000.

Samantala, pinakamalaking bawas naman ang naitala sa construction na may 416,000, agriculture and forestry na may 269,000, at administrative and support services na may 245,000.