Apat na bayan sa Batangas ang nagsagawa ng sabayang earthquake drill upang masubukan ang kahandaan ng mga lokal na opisyal at residente sa posibleng lindol at tsunami.
Kabilang dito ang Balayan, San Luis, Malvar at San Juan na nakiisa sa 4th Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill noong November 5.
Sa Balayan, alas-9 ng umaga nang isagawa ang simulation sa Barangay San Piro sa pangunguna ni Mayor Elisa Ermita-Abad, kasama ang Office of Civil Defense CALABARZON at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office.
Sinanay ang mga kalahok sa tamang pagsasagawa ng Duck, Cover, and Hold, mabilis na paglikas sa evacuation areas at pagtugon sa mga emergency.
Kasabay rin nito ang paggunita sa World Tsunami Awareness Day 2026 na may temang “Resilience Starts with You,” na nagbibigay-diin sa kahalagahan ng kaalaman sa tsunami hazards at ligtas na evacuation routes.
Nagsagawa rin ng evaluation pagkatapos ng aktibidad upang matukoy ang mga kailangang pang ayusin sa disaster response.
Nakiisa rin sa pagsasanay ang DOST, DILG, DSWD, PNP, BFP at Philippine Coast Guard-Balayan, bilang bahagi ng pagpapalakas ng kahandaan ng mga komunidad sa sakuna.