Mga nasirang kalsada, tulay, pampublikong gusali at evacuation centers ang kabilang sa mga planong kumpunihin gamit ang tulong-pinansiyal na matatanggap ng pitong bayan sa Batangas mula sa national government.
Kabilang sa mga benepisyaryong bayan ang Lian, San Jose, Nasugbu, Agoncillo, Balayan, Bauan, at San Nicolas na naapektuhan ng pinalakas na habagat at mga bagyong Luis, Maymay, at Neneng ngayong 2026.
Bahagi ang mga ito ng 306 local government units o LGUs sa buong bansa na pagkakalooban ng pondo sa ilalim ng Disaster Rehabilitation and Recovery Assistance Program o DRRAP, na may kabuuang budget na ₱8.6 billion.
Bukod sa pagkukumpuni ng mga imprastraktura na nasira mula 2024 hanggang 2026, gagamitin din ang pondo sa pagpapanumbalik ng kabuhayan at mahahalagang serbisyong panlipunan sa mga apektadong komunidad.
Pormal na isinagawa ang turnover ng financial assistance noong November 5 sa Heroes Hall ng Malacañan Palace, sa pangunguna nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Executive Secretary Ralph Recto.
Binigyang-diin ni Recto na kailangang mapabilis ang pagpapalabas ng calamity funds upang hindi na magtagal ang paghihintay ng mga pamilyang nangangailangan ng tulong.
Hinimok din niya ang mga alkalde na tiyaking mapupunta ang pondo sa mga konkretong proyektong direktang mapakikinabangan ng kanilang mga residente.
Samantala, patuloy rin ang Batangas Provincial Government sa mga programa nito para sa disaster preparedness, mitigation, at rehabilitation sa ilalim ng Executive Order No. 3, series of 2025 o “Matatag at Ligtas na Batangas,” na ipinatupad ni Governor Vilma Santos-Recto.